Pagiging Ina: Maituturing na Mataas na Propesyon

Kapag pinag-uusapan ang propesyon, ano ba ang una nating naiisip? Malamang karamihan sa atin, gugustuhing maging doktor, guro, inhinyero at iba pa. Pero ni sa hinagap ba naisip natin o sinali natin sa mga nabanggit ang pagiging ina?

motherhood

Ang Pagiging Ina Bilang Propesyon

Di ninyo naitatanong, maituturing na isang propesyon ang pagiging ina. Nagsisimula ito sa pagpapakasal ng magsing-irog hanggang sa pagdadalang tao. Di biro ang manganak, normal man o caesarian.

Ang isang paa ng isang ina ay nakalabaon na sa hukay para lang maisilang ang isang buhay. Paglabas ng bata, puyat at pagod na ang aabutin nya sa tuwing iiyak ito at magkakasakit. Magigising siya sa hatinggabi para magtimpla ng gatas o kaya naman ay sasabayan sa paglalaro ang sanggol.

mom and baby

Ang Ina Bilang Unang Guro at Matalik na Kaibigan

Kapag ang anak ay tumungtong na sa pag-aaral, obligado syang gumising ng maaga para magluto ng agahan at ihanda ang mga gagamitin pagpasok sa eskwela. Kapag may takdang aralin ang anak, tutulungan nya ito sa abot ng kanyang makakaya. Tuturuan din niya ng magagandang asal para lumaki itong marangal at may takot sa Diyos.

Kapag nagbinata na o nagdalaga na ang mga anak nya, andyan pa rin siya na nakaalalay. Sya ang takbuhan kapag may problema. Kahit nagtatrabaho na sila o kaya naman ay may kanya kanya ng pamilya, hindi pa rin sya nagsasawang sumubaybay sa kanila.

Kadalasan ang mga ina na ang nagbabantay sa mga apo nila. Hindi sila napapagod na gawin ang mga bagay na nagawa na nila sa mga anak nila dati. Umaabot pa sa puntong talagang mas maalaga sila sa mga apo nila.

Pagiging Ina – Libreng Propesyon

Kung iisipin, wala namang bayad ang pagiging ina. Ginagawa ito dahil sa pagmamahal. Pero masakit isipin na sa kabila ng mga sakripisyong ito, may mga ibang anak na hindi nagbibigay halaga dito. Kadalasan, ang bayad pa ay kunsumisyon o sakit ng kalooban.

May nakikita o nakakausap pa ako na sa katandaang edad, nagtatrabaho pa sila para may maiuwi silang pagkain para sa kanilang mga anak na malalaki na at pwede naman nang magtrabaho para tumulong. Ito ay realidad, isang realidad na masakit isipin bilang isang ina.

Itong buwan ng mga nanay, kahit papano, sana pahalagahan naman natin sila. Ito ang propesyon na kahit tumanda na tayo hindi natin matutumbasan. Lalo na ang mga sakripisyong ibinahagi nila satin para maabot natin ang katayuan na meron tayo ngayon.

*photo credit to the owner

Leave a Comment

Scroll to Top